Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa banta ng nosebleed na karaniwang nakukuha ngayong mainit na panahon dahil sa pagtaas ng blood pressure.
Paliwanag ni DOH Officer-in-Charge Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Albert Domingo nangyayari ito kapag nairita ang maliliit na blood vessels sa nasal mucosa o ang pinakalinya ng ilong.
Dagdag pa ng opisyal na kapag ito ay nairita at pumutok nagdudulot ito ng presyon ng dugo o kaya naman ay minsan nakakamot, nagiging maliliit na sugat at maaaring dumugo.
Ang pangambang ito ay kasunod ng insidente sa General Santos City kung saan maraming estudyante ang napaulat na nakaranas ng pagdurugo ng ilong na iniuugnay sa mainit na panahon.
Para naman sa first aid sa nosebleed, ipinayo ng opisyal na magtungo sa malilim na lugar kapag na-expose sa direktang sikat ng araw o magtungo sa air-conditioned na lugar.
Maglagay ng malinis na tela sa ilong na dumudugo para mapigilan ang pagdaloy ng dugo.
Ipinunto din ng opisyal ang pangangailangan na komunsulta sa doktor para malapatan ng medikal na atensiyon kapag patuloy ang pagdurugo ng ilong dahil maaari aniyang may underlying health issues bukod pa sa epekto ng mainit na panahon.
Hinimok naman ni Domingo ang mga guro na iangkop ang mga aktibidad sa eskwelahan sa kaukulang oras tulad ng Physical Education classes at iba pang sports na huwag gawin sa outdoor sa oras ng 10am hangang 4pm dahil kasagsagan ito na matirik ang sikat ng araw.
Mas mainam din aniya na magsagawa ng lectures indoors lalo na kapag peak ng init ng araw.