Nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) tungkol sa isang pekeng social media page na maling ina-associate ang ahensya sa isang produktong “nutritional milk” na umano’y nakagagaling ng chronic insomnia.
Ang pekeng page, na nagpapanggap bilang DOH, ay nagmungkahi na ang pag-inom ng produktong ito sa araw-araw ay makakatulong upang mapabuti umano ang kalusugan at kalidad ng pagtulog.
Sa isang pahayag, nilinaw ng DOH na hindi nito ine-endorso o kinikilala ang produktong ipino-promote ng pekeng page. Binigyang-diin ng ahensya na ang insomnia ay may iba’t-ibang sanhi at walang agarang lunas.
Inilahad ng DOH na ang epektibong paggamot ay nangangailangan ng mga subok na paraan tulad ng tamang sleep hygiene, therapy, at gabay mula sa mga eksperto sa medisina.
Nagbigay din ng babala ang DOH tungkol sa mga mapanlinlang na social media page na gumagamit ng marketing, kabilang ang pekeng mga testimonya at pinalaking mga claim sa kalusugan.
Iniulat na ng DOH ang pekeng page sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang alisin ito at hinikayat ang publiko na sundan lamang ang mga opisyal na social media account ng DOH.