Muling nagbabala ang Department of Health (DOH) ukol sa heatstroke.
Pinayuhan ni DOH Sec. Francisco Duque III ang publiko na iwasan muna ang masyadong mabilad sa ilalim ng araw.
Binigyan diin ni Duque na masama ang heatstroke dahil maaring ikamatay ito ng isang indibidwal.
Pero madali naman aniyang maiwasan ito basta iwasan lang daw muna hanggat maari ang mga aktibidad sa ilalim ng matinding sikat ng araw dahil posibleng magresulta ito sa heat exhaustion at kalaunan ay heatstroke.
Makakatulong din aniya ang pag-inom ng maraming tubig.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na inaasahang marami ang makakaranas ng heat cramps at heat exhaustion ngayon dahil na rin sa matinding init ng panahon.
Samantala, pinaalalahanan din ng DOH ang publiko ukol naman sa mabilis na pagkapanis ng mga pagkain ngayong dry season kaya dapat sinisiguro anila na maayos ang pagkakahanda at pagkakaluto sa mga ito.