-- Advertisements --

Muling nagbabala ang Department of Health (DOH) na maparurusahan ang sinumang sangkot sa pamemeke ng resulta ng COVID-19 test.

Sa gitna pa rin ito ng mga ulat na may ilang clinic at indibidwal umano ang pinepeke ang kanilang polymerase chain reaction (PCR) test results upang makabiyahe sa ibang lugar sa bansa sa harap ng nararanasang pandemya.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang pamemeke ng COVID-19 test results ay paglabag sa Republic Act 11332, at sinumang mapatutunayang magkakasala ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000, o maaaring makulong ng mula isa hanggang anim na buwan.

Upang maberipika naman kung lisensyado ba ang isang laboratoryo na magsagawa ng COVID-19 PCR testing, sinabi ng DOH na gawin ang mga sumusunod:

  • Bumisita sa DOH website para makita ang kumpletong listahan ng mga lisensyadong COVID-19 testing laboratories
  • I-check ang talaan ng mga licensed testing laboratories sa BEAT COVID-19 Situational Report na in-upload sa kanilang official Facebook page
  • Kumonsulta sa mga local health centers at Regional Epidemiology and Surveillance Units health care provider sakaling kailangan nilang magpa-test
  • Humingi ng kopya ng lisensya ng COVID-19 RT-PCR testing na valid hanggang Disyembre 31

Iginiit ng DOH na hindi lahat ng mga diagnostic laboratories ay lisensyadong magsagawa ng PCR COVID-19 testing.

Hindi rin umano naglalabas ang kagawaran ng lisensya para sa pagsasagawa ng antigen testing.

Kamakailan lang nang dakpin sa Boracay ang dalawang turista matapos matuklasan ng mga otoridad na nagpakita ang mga ito ng pekeng PCR test results.

Noong nakalipas na taon nang arestuhin naman ang apat na indibidwal sa Ilocos Norte dahil sa pamemeke ng kanilang COVID-19 test results.

May print shop naman sa Quezon City at clinic sa Valenzuela na nadiskubreng namemeke ng resulta.