Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa hindi otorisadong pagsasapubliko ng mga pangalan ng mga pasyenteng dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), kung saan maaaring makulong at magmulta ng hanggang P2-milyon ang mga lalabag.
Pahayag ito ng DOH matapos na makatanggap sila ng ulat na may kumakalat na listahan ng mga COVID-19-positive patients.
“We call on the public to refrain from these lists around social media. This is illegal and perpetuates the stigma around COVID-19,” saad ng DOH.
“Our kababayans are already going through enough as it is. Let us not exacerbate their situations… COVID-19 is not a death sentence and fear is more dangerous than the disease.”
Muli ring inihayag ng kagawaran na dapat tiyakin ng mga health authorities na mananatiling pribado ang personal na impormasyon ng mga pasyente, sang-ayon sa nakasaad sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Nakasaad din sa joint memorandum na inilabas ng DOH at ng National Privacy Commission na tanging mga health-care providers, public health authorities at kanilang mga otorisadong tauhan ang papayagang magkaroon ng access sa personal na detalye ng mga COVID-19 cases.
Giit ng DOH, ang hindi pinahihintulutang access at iligal na paglalabas ng personal na impormasyon ng mga COVID-19 patients ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng Republic Act 10173, o ang Data Privacy Act of 2012.