Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga fur parents na maaaring makaramdam ng pagkabalisa ang kanilang mga alaga kapag nakarinig ito ng malakas na putukan dulot ng mga paputok at fireworks ngayong pasko at nalalapit na bagong taon.
Ani ng DOH, ang ‘di inaasahang malalakas na ingay at pagputok ay makakapag-trigger sa mga aso at ibang alagang hayop ng fight-or-flight response, anxiety, at restlessness.
Kaya naman naglabas ng ilang gabay ang DOH para pangalagaan ang mental at physical health ng mga alagang hayop.
Una na rito ay ang pagpapanatili sa kanila sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagtakbo nito palabas dahil sa takot. Kasunod nito ang pagkakaroon ng safe space ng alagang hayop tulad ng kwarto upang mabawasan ang ingay na naririnig.
Ikatlo ay ang paglalagay ng calming wraps lalo na sa mga aso. Maaaring gumamit ang fur parent ng vests o t-shirt na itatali sa katawan ng alagang aso nang sa gayon ay mabawasan ang stress na nararamdaman nito.
Desentization naman ang ika-apat na tip ng DOH kung saan paunti-unting ine-expose ang alagang hayop sa tunog ng paputok at fireworks para mabawasan ang pagkabigla nito sakaling sabay-sabay ang fireworks at paputok. Sa prosesong ito ay maaaring magbigay ng positive reinforcement at treats ang mga fur parent.
Ikahuli ay ang paglalagay ng ID tags sa mga alagang hayop nang sa gayon ay maaaring ma-contact ang may-ari sakaling tumakbo papalayo ang alaga.
Ayon sa DOH, palaging tandaan na makaaapekto ang kilos ng fur parents sa oras ng putukan. Manatili umanong kalmado para maramdaman ng alagang hayop na nasa ligtas itong lugar.
Ang paalalang ito ng DOH ay kaakibat ng kanilang programang #BawatBuhayMahalaga.