Nagdeklara na ang Department of Health (DOH) ng Code White Alert sa lahat ng Centers for Health Development nito sa regional offices sa buong bansa gayundin sa Ministry of Health sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) sa gitna ng mga pag-ulan dala ng habagat na pinaiigting ng bagyong Carina na nagdulot ng mga pagbaha.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang publiko sa panganib na dulot ng Leptospirosis sa kalusugan dahil sa mga baha.
Ayon sa DOH, maaaring makapitan ng Leptospirosis sa pamamagitan ng paglusong sa baha o paghawak sa putik, lupa o dumi matapos ang baha meron man o walang visible wounds o sugat at sa pamamagitan ng exposed na balat sa tubig baha.
Matagal naman bago lumabas ang sintomas ng sakit na umaabot ng isang buwan.
Para maiwasan na madapuan ng sakit, mayroong antibiotics na maaaring inumin gaya ng prophylaxis na nangangailangan ng prescription kayat maiging komonsulta sa pinakalapit na doktor o health ceneter sa loob ng 24 oras matapos na lumusong sa mga tubig baha
Ipinayo naman ni Health Secretary Ted Herbosa na mas mabuting umiwas sa baha at putik para makaiwas sa Leptospirosis. Sa mga kailangangang lumusong, gumamit ng bota hanggang tuhod. Hugasan agad ang katawan ng malinis na tubig at sabon pagkatapos. Kumonsulta agad sa doktor at huwag maging kampante kasi matagal lumabas ang sintomas.
Sa datos noong Hulyo 13, nakapagtala na ang DOH ng 1,258 na kaso ng Leptospirosis sa bansa, 41% na mas mababa kumpara sa parehong period noong nakalipas na taon na nakapagtala ng 2,150 cases.
Tumaas ang kaso ng sakit mula June 2 hanggang July 31 sa Zamboanga Peninsula, CARAGA, SOCCSKARGEN, Western Visayas, MiMaRoPa, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.
Iniulat din ng DOh na nasa 133 na ang bilang ng nasawi dahil sa Leptospirosis base sa datos noong Hulyo 13.
Inaasahan naman na tataas pa ang nasabing bilang dahil sa late reports at sa nagpapatuloy na pag-ulan na nagdudulot ng malawakang pagbaha.