Todo paliwanag ang Department of Health (DOH) tungkol sa dahilan kung bakit lumalaki ang puwang sa pagitan ng kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 cases at ng mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19.
Batay sa DOH, maituturing na kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang isang indibidwal kung nasuri ito sa isang national o subnational reference laboratory, o sa isang laboratory testing facility na sertipikado ng kagawaran.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kabilang sa mga isyung sanhi ng pagkaantala ng pag-report sa mga official cases ang mga pasyenteng magkapareho ang pangalan.
Ayon kay Vergeire, marami raw sa kanilang records ang may magkakatunog na pangalan na kinakailangan pang iberipika ng mga disease surveillance officers ng kanilang Epidemiology Bureau.
“Ang mga ganitong bahagyang kaibahan sa pangalan, ay hindi lang po paminsan-minsan nangyayari,” wika ni Vergeire. “Maraming beses ito nae-encounter ng mga officers na nagsasagwa ng validation kaya tumatagal ang proseso ng pag-validate.”
Maliban dito, kailangan din ngayon ng kagawaran ang karagdagang mga surveillance personnel na itatalaga sa pag-monitor ng mga kaso, pag-encode ng mga forms at pag-upload nito sa sistema lalo pa’t patuloy na tumataas ang testing capacity ng bansa.
Sinabi pa ng opisyal, hindi naka-specify sa case investigation forms ang mga repeat tests, kaya kailangan i-verify pa ang bawat kaso sa sistema, na siyang nagpapatagal pa lalo sa proseso.
“Kaya ito po talaga ang rason kung bakit tumataas nang tumataas ang ating backlog sa case encoding na nagiging dahilan ng patuloy na paglayo ng agwat sa pagitan ng officially reported cases at positibong kaso,” anang opisyal.
Ang mga datos aniya mula sa iba’t ibang source ay tinitipon ng Epidemiology Bureau at dumadaan sa masusing validation.
“Sa bawat step po ng flow na iyan, hindi po mawawala ang risk na maaring magkaroon ng error sa information and data dahil sa iba’t ibang uncontrollable factors. Kaya kapag mayroong nakitang issue o problema, kailangang bumalik sa mas mababang level upang ma-confirm at maayos ang datos,” ani Vergeire.
Sa kabila nito, tiniyak ni Vergeire na nagtatrabaho ang kagawaran para maresolba ang naturang mga isyu.
“Itong mga problema po’ng ito ay patuloy natin pinagtutuunan ng pansin at ginagawan ng solusyon upang mapabilis po ang pagva-validate ng cases at ma-close ang gap between official case counts and lab outputs.”