Naglabas ang Department of Health (DOH) nitong Linggo, Marso 9, ng mga bagong alituntunin para maiwasan at matugunan ang mga epekto ng matinding init sa kalusugan, alinsunod ‘yan sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa bagong guidelines, na nakasaad sa Department Memorandum No. 2025-0114, inutusan ng DOH ang lahat ng mga unit nito, kabilang ang mga ospital at health facilities na pinamamahalaan ng mga departamento, tulad ng ”Bagong Urgent Care” at ”Ambulatory Services (BUCAS) centers”, na magpatupad ng strategy laban sa matinding init.
Inuutusan din ang mga ito na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga programang ”PuroKalusugan”, na ipinakilala noong National Health Sector Meeting.
Kasama rin sa mga alituntunin ang pagpapasiguro ng kahandaan ng mga health facilities at mga kawani ng gobyerno, pagpapalaganap ng kaalaman sa kalusugan upang turuan ang publiko kung paano maging ligtas sa matinding init na nararanasan ng bansa, at pagtatayo ng mga cooling center sa mga air-conditioned o maaliwalas na lugar malapit sa mga ruta ng pampublikong transportasyon.
Habang bibigyan ng prayoridad ang mga matatanda, maliliit na bata, buntis, at mga taong may kapansanan.
Bukod dito, magtatayo ng mga hydration station sa lahat ng pasilidad ng DOH, lalo na sa pinakamainit na oras ng araw mula ala-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, at ipatutupad ang pag-detect at pag-monitor ng mga sakit dulot ng matinding init.
Samantala sinabi naman ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na handang harapin ng ahensya ang matinding init ng panahon at pinayuhan ang mga Pilipino na Laging tingnan ang heat index forecast ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) para sa inyong mga lugar.
Nagpaalala rin ito na laging magsuot ng maluluwag na damit, puti, at magaan na kasuotan ngayong mainit na panahon.
Para sa mga emergency, tumawag lamang sa DOH hotline number sa 911, 1555 o 143 para sa Philippine Red Cross.
Ang mga hakbang ng DOH ay isinagawa bilang paghahanda para sa inaasahang mas mainit na araw, na naglalayong protektahan ang kalusugan ng publiko at tiyakin ang kahandaan hinggil sa pagtaas ng temperatura sa buong bansa.