Nagpasaklolo na ang Department of Health sa pribadong sektor para tumulong sa gitna ng nakikitang kakapusan sa suplay ng bakuna kontra sa sakit na pertussis bunsod ng naitatalang outbreaks sa mga siyudad at bayan sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, bagamat sapat pa ay unti-unti na aniya bumababa ang stock ng pentavalent vaccines o ang 5-in-1 vaccine na ibinabakuna kontra pertussis, diphtheria, tetanus, hepatitis B at Haemophilus influenzae type B.
Sa datos noong Marso 5, iniulat ng DOH na tanging 64,000 doses ng pentavalent vaccines ang natitira na lamang na naipamahagi na rin sa mga lugar na may mataas na kaso ng pertussis.
Saad naman ng kalihim na bukas sila sa sinuman na nais na mag-alok ng tulong mula sa private sector partners nito.
Inihayag din ni Sec. Herbosa na ang 3 milllion pentavalent vaccine doses na binili ng pamahalaan sa pamamagitan ng UN International Children’s Fund ay darating pa lang sa buwan ng Hunyo.
Sa kasaukuyan, available ang DTP vaccines na nagbibigay ng proteksiyon laban sa diphtheria, tetanus at pertussis na maaaring iturok sa mga pasyente habang inaantay pa ng pamahalaan ang bagong batch ng pentavalent vaccine.