Inalerto na ngayon ng Department of Health ang kanilang surveillance system kasunod ng deklarasyon ng Africa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng public health emergency dahil sa mpox outbreak sa kanilang bansa.
Kung maaalala, nagdeklara ang Africa Centers for Disease Control and Prevention ng public health emergency of continental security dahil sa pagtaas ng kaso ng mpox o monkeypox.
Ito ay kumalat na mula sa Democratic Republic of Congo hanggang sa mga kalapit na bansa.
Ayon naman kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, sa ngayon , aabot pa palang sa siyam ang kaso ng naturang sakit sa Pilipinas.
Mula sa naturang bilang, apat dito ay na detect noong 2022 habang ang lima pang kaso ay naitala noong nakalipas na taon.
Noong Hunyo, pinabulaanan ng DOH na isang indibidwal mula sa Central Visayas ang namatay dahil sa mpox, at idiniin na wala sa siyam na kaso ang namatay dahil sa sakit na dulot ng monkeypox virus.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sintomas ng mpox ay kinabibilangan ng skin rash na sinamahan ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya.
Idineklara rin ng WHO noong Hulyo 2022 ang mpox bilang isang public health emergency of international concern at tinapos nito ang deklarasyon noong Mayo ng nakaraang taon.