Nakahanda ang Department of Health (DOH) na magbigay ng medical assistance para sa mga residenteng naapektuhan ng Super Typhoon (ST) ‘Pepito’.
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, nag-deploy na ang ahensiya ng Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) sa rehiyon ng Bicol kung saan naghatid sila ng medical assistance para sa mga residenteng nangangailangan ng medical attention.
Maliban dito, naka-standby lang daw ang kanilang health emergency response team sa mga rehiyon ng Bicol, Ilocos, at Cagayan kung sakaling kailanganin.
Bukod dito, mayroon ding P15 million halaga ng medical supplies ang DOH na handang ipamahagi para sa mga nasalanta ng bagyong Pepito kung saan makakatanggap ang mga residenteng nasalanta ng mga public health commodities, water and sanitation, nutrition pack para sa mga malnourish at kagamitan para sa mental health and psycho-social services.
Nakabantay rin ang DOH para sa posibilidad na pagkalat ng acute respiratory infection o pag-ubo at sipon na hindi aniya maiwasan sa mga evacuation center kung kaya’t namahagi ang DOH ng libreng facemask.
Ayon pa kay Asec. Domingo na-monitor rin ng kanilang ahensiya ang kaso ng acute Gastroenteritis na talagang talamak ngayong kasagsagan ng bagyo kung saan nakakain o nakakainom ng mga kontaminadong pagkain o inumin ang isang tao na nagreresulta ng pananakit ng tyan, pagkahilo, lagnat, at iba pang sakit.
Bagamat wala pang kaso ng Diarrhea na namomonitor ang DOH ay pinalalahanan naman ni ASec. Domingo ang publiko lalo na sa mga residenteng kasalukuyan na tumutuloy sa mga evacuation center na bago uminom ng tubig ay siguruhing malinis ito o kaya magpakulo ng kanilang tubig na iinumin kung hindi tiyak ang pinagmulan nito.