Patuloy na nakakapagtala ang Department of Health ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng sakit na Dengue sa Cordillera Administrative Region.
Sa gitna pa rin ito ng matinding init ng panahon na nararanasan ngayon sa bansa dulot na rin ng El Niño phenomenon.
Batay sa datos na nailata ng DOH, mula Enero 1, 2024 hanggang Abril 20, 2024, naitala ang kabuuang 1,145 na mga kaso ng dengue sa mga lungsod at lalawigan ng Ifugao, Apayao, Kalinga, Abra, Benguet, at Mountain Province.
Ayon kay epidemiology nurse Karen Lonogan ng DOH Cordillera Office, ang bilang na ito ay bahagyang mas mataas kumpara sa 1,041 dengue patients na una nang naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Samantala, dahil dito ay naglunsad ng self-reporting form sa publiko ang City Health Services Office sa pamamagitan ng QR Code kung saan maaaring makapag-fill up ang publiko kung sila ay may sintomas ng dengue para makatulong din sa pangangalap pa ng data ukol dito.