Nakiisa ang Department of Health sa panawagang maglatag ng mas istriktong regulasyon sa mga panindang alak sa bansa.
Ginawa ng ahensiya ang panawagan sa isang forum na tinawag na ‘Alcohol Tax: Itaas’ sa Quezon City kung saan nananawagan ang mga kasapi rito sa pangunguna ng Sin tax Coalition, ng mas mataas na buwis sa mga alak.
Maliban sa buwis, hinihiling din ng grupo ang mas istriktong mga regulasyon sa bentahan ng alak sa bansa.
Batay sa datos mula sa Global Burden of Disease Health Metrics na iprinisenta ng DOH, ang pagkonsumo ng alkohol ay natukoy bilang pangunahing risk factor o nagsilbing mitsa sa mahigit 27,000 mortalities sa buong bansa.
Dahil dito ay ipinanawagan ng ahensiya ang pagbuo ng mga polisiyang nakabatay sa ebidensiya para tugunan ang labis-labis na pagkunsumo ng alak sa Pilipinas.
Kabilang dito ang implementasyon ng public health warning labels katulad ng ginagawa sa mga pakete ng sigarilyo, mas mataas na presyo ng alak, mas mataas na excise tax, regulasyon sa distribusyon, at komprehensibong pagbabawal sa ilang alcohol marketing.
Samantala, sa naunang pag-aaral na isinagawa ng DOH noong 2023, lumalabas na malaking bahagi ng populasyon ng mga Filipino adults ang naniniwalang ‘harmless’ ang pagkonsumo ng alak habang ang iba ay naniniwala ring may magandang dulot ito sa kalusugan.