Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa dalawang ospital na nagsara sa Maynila dahil naabot na ang ‘full capacity’ at nahihirapan ng tumanggap ng mga pasyente.
Sa naging anunsyo ng Manila Public Information Office kapwa ang Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) at Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMMC) ay hindi na makatatanggap ng pasyente dahil puno na ang kanilang mga emergency rooms.
Ayon kay DOH Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo, patuloy ang pakikipag-coordinate ng ahensya sa naturang mga ospital. Aniya, titiyakin ang maayos na pagpapagamot pa rin ng mga pasyente sa gitna na ng kapunuan sa pasilidad.
Dagdag pa ng ahensya, hinihintay pa rin nila ang paliwanag ng dalawang ospital kasunod ng kanilang pag-aanunsiyo.
Bagaman ang dalawang ospital ay puno na, nilinaw naman ng City of Manila na patuloy pa rin ang pagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente ngunit, pinayuhan nila ang mga pasyente na pumunta na lang sa ibang public hospitals sa Maynila para mas matugunan nang mabilis ang kanilang pangangailangan. (Report by Bombo Ysa )