-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaaan na inaasahang matinding maapektuhan ng bagyong Nika alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay para mailikas ang mga nasa highest risk kabilang ang mga buntis na nasa kanilang third trimester ng pagbubuntis, nagpapasusong mga ina, mga bata, matatanda, persons with disabilities at may pre-existing conditions.

Kaugnay nito, inatasan ang lahat ng health facilities na unahin ang pag-admit sa mga buntis na mataas ang panganib ng mga komplikasyon.

Sa isang statement sinabi ni Health Sec. Ted Herbosa na nakahanda ang mga health facility at ospital ng DOH para masigurong tuloy-tuloy ang pagbibigay serbisyo sa kabila ng banta ng bagyo.

Pinaalalahanan naman ng kalihim ang publiko na maging alerto, ihanda ang Go Bag sa bawat pamilya gaya ng first aid kits, survival kits at iba pang mahahalagang personal na gamit at sumunod sa abiso ng mga awtoridad tungkol sa paglikas habang malayo pa sa kalupaan ang bagyo.