-- Advertisements --

Posibleng ilagay sa ilalim ng mas maluwag na Alert Level 2 ang Metro Manila sa mga susunod na linggo kung sakali mang patuloy na bababa ang bilang ng naitatalang bagong COVID-19 cases.

Ayon sa Department of Health (DOH) nasa 624 ang bagong COVID-19 cases na naitatala sa Metro Manila at 3,656 naman sa buong bansa noong Miyerkules, Oktubre 20.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan na magtulungan ang lahat at huwag magpakampante para makamit ang inaasam na mas maluwag na alert level status.

Sinabi ni Vergeire na ang average na 500 na bagong COVID-19 cases kada araw ay maituturing nang “comfortable number” para ilagay ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 2.

Sa ilalim ng Alert Level 2, ilang establisiyemento at mga aktibidad ang papayagan na makapag-operate sa maximum na 50 percent on-site o venue capacity, maliban na lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.