-- Advertisements --

Muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa natutukoy sa Pilipinas ang “Omicron XE” o ang recombinant ng dalawang sub-lineages ng mas madaling naililipat na variant ng Omicron.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy nilang binabantayan kung papasok sa bansa ang Omicron XE.

Nauna nang ipinaliwanag ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na ang Omicron XE ay “more concerning” kumpara sa iba pang mga sub-variant ng Omicron dahil sa mas nakakahawa raw ito, ngunit maaaring hindi ito mas malala o makakaapekto sa bisa ng kasalukuyang mga bakunang magagamit.

Pinatunayan din ito ng miyembro ng Vaccine Expert Panel na si Dr. Rontgene Solante, na nagsasabi na ang kasalukuyang mga bakuna ay makikitang gumagana laban sa mga sub-variant ng BA.1 at BA.2 Omicron.

Samantala, nauna nang nagbabala sa panayam ng Bombo Radyo si Philippine College of Physicians president Dr. Maricar Limpin na ang posibleng pagpasok sa Pilipinas ng Omicron XE at ang mababang rate ng booster shot coverage ng mga Filipino ay maaaring humantong sa paglaki ng mga kaso ng COVID-19 sa buwan ng Mayo.

Magugunitang, parehong nagbabala ang DOH at ang World Health Organization (WHO) Philippines na ang bansa ay maaaring makaranas ng panibagong pagtaas ng mga impeksyon sa COVID-19 sa kalagitnaan ng Mayo kung babalewalain ang minimum public health standards (MPHS).