Nanindigan ang Department of Health (DOH) sa integridad ng 9 sa opisyal ng ahensiya na sinuspendi ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan matapos na masangkot sa umano’y maanomalyang pagbili ng COVID-19 supplies noong 2020 at 2021.
Ayon sa DOH, bagamat iginagalang nila ang naging desisyon ng Ombudsman iginiit ng ahensiya na mahalaga ang naging papel ng nasabing mga opisyal sa pandemic response ng gobyerno.
Kabilang sa mga opisyal ng DOH na sinuspendi ay sina Nestor Santiago, Jr., Crispinita Valdez, Amado Tandoc, Lei Lanna Dancel, Dave Tangcalagan, Jhobert Bernal, Kenneth Aristotle Punzalan, Rose Marasigan, at Maria Carmela Reyes.
Gayundin ang 24 pang mga opisyal mula sa Department of Budget and Management – Procurement Service (PS-DBM) kabilang si Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong at dating DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao.
Ayon sa Ombudsman, ang mga kaso laban sa mga nasabing mga peronalidad ay kaugnay sa grave misconduct, gross neglect of duty, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Nangako naman ang DOH na makikipagtulungan ito sa imbestigasyon at nanindigan sa pagtalima sa due process na mandato ng Office of the Ombudsman at gobyerno.
Ipinunto din ng ahensiya na ang preventive suspension ng mga opsiyal ay isang procedure bilang bahagi ng imbestigasyon upang hindi maimpluwensiyahan ng sangkot na indibidwal at hindi isang penalty.
Kung kayat nanawagan din ang DOH sa publiko na huwag munang husgahan ang mga opisyal at manatiling bukas ang isipan hanggang hindi pa nareresolba ang kaso.