-- Advertisements --
A232
IMAGE | Dr. Alethea de Guzman presentation/Screengrab, DOH

MANILA – Tuluyan nang bumaba sa “low risk” ang estado ng National Capital Region (NCR) pagdating sa hawaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon sa Department of Health, nasa 5.70 na lang ang average daily attack rate (ADAR) ng NCR sa nakalipas na dalawang linggo. Mula ito sa 7.43 ADAR ng rehiyon noong May 23 hanggang June 5.

“Dahil nagpakita siya ng pagbaba ng kaso by 23% in the last two weeks,” ani Dr. Alethea de Guzman, OIC-Director ng DOH Epidemiology Bureau.

Bukod sa NCR, low risk din ang klasipikasyon ngayon ng Cordillera, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Calabarzon, Central Luzon, Mimaropa, at Bangsamoro region.

Ang ADAR ay numero ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa isang lugar sa pagitan ng dalawang linggo. Itinuturing na “high risk” ang ADAR kung nasa antas ng 7 o higit pa.

Apat na lugar naman mula sa Visayas at Mindanao ang nasa “high risk.”

“Lahat ng mga lugar na ito ay nag-exhibit ng mas maraming nare-report na mga kaso nitong mga nakaraang linggo.

Kabilang sa high risk areas ang Caraga (9.95), Western Visayas (8.83), Davao region (8.16), at Soccsksargen (7.01).

Nasa “moderate risk” naman ang estado ng Cagayan region, Eastern Visayas, Central Visayas, Ilocos, at Bicol region.

Pagdating sa estado ng healthcare capacity o mga ospital, nasa “safe zone” ang antas ng NCR.

Batay sa datos ng Health department, as of June 21, nasa 36.29% ang healthcare utilization rate ng Metro Manila.

Habang ang utilization rate sa mga kama ng ICU ay nasa 45.83%.

Samantala, nasa higit 70% naman ng ICU beds para sa COVID-19 patients ang okupado Region 10 (73.13%), Region 2 (71.19%), Region 12 (80%), at Region 6 (84.85%).

Sa kabuuan, moderate risk ang antas ng Pilipinas dahil sa overall ADAR na 5.91. Ang healthcare at ICU capacity naman ng bansa ay nasa 47.19% at 57.48%.

Una nang sinabi ni Dr. De Guzman na dahan-dahan nang bumababa ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa bansa.

“Hopefully yung nakikita nating pagbaba ay tuluyang bumaba at hindi na tumaas yung peak.”

Nitong Martes, umabot na sa 1,367,894 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.