Nilinaw ng Department of Health na hindi nagkukulang sa ngayon ang mga kama sa mga ospital para sa mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis.
Ito ay sa gitna na rin ng pagsipa ng mga kaso sa naturang sakit sa nakalipas na linggo matapos ang malawakang pagbaha sa Luzon dulot ng bagyong Carina at Habagat.
Paliwanag ni Health spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo bagamat halos mapuno na ng mga pasyenteng may leptos ang nakalaang kama para sa mga ito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at sa San Lazaro Hospital sa nakalipas na araw, agad naman aniyang natugunan ito sa pamamagitan ng pag-refer sa mga pasyente sa ibang ospital.
Nauna na ring ipinag-utos ng DOH ang activation ng surge capacity plan sa mga ospital sa Metro Manila kung saan mas maraming mga kama ang inilaan ng mga ospital para sa mga kaso ng leptos.
Sa datos ng DOH, may kabuuang 1,444 leptospirosis cases na ang naitala ngayong taon mula Enero 1 hanggang Hulyo 27. Ito ay 42% na mas mababa kumpara sa naitalang mahigit 2,000 sa parehong period noong nakalipas na taon.