-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na “very rare” o bihira lamang ang mga pagkakataon na maipasa sa tao ang avian flu virus na mula sa mga ibon.

Ipinahayag ito ng kagawaran matapos na magdeklara ng bird flu outbreak ang Department of Agriculture (DA) sa ilang lugar sa bansa noong Marso 30.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa kabila nito ay hindi kinakailangang mangamba ang publiko dahil mababa lamang aniya ang tiyansa na mahawa ang tao sa nasabing virus na mula sa mga ibon.

Batay ito sa mga pag-aaral ng World Health Organization kung saan napag-alaman na hindi ito madalas na mangyari.

Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin na inaabisuhan ng DOH ang bawat isa na umiwas muna sa paglapit sa mga wild birds, mga ibong may sakit, o sa taong nagkaroon ng close contact sa mga ibon o fowls na may sakit.

Binigyang-diin ni Vergeire na ang Avian flu ay isang respiratory infection dahilan kung bakit patuloy din siyang nagpaalala sa mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, at pag-iwas sa mga taong may sintomas na ng nasabing sakit.

Magugunita na una rito ay tiniyak naman ni Agriculture Secretary William Dar na sa kabila ng mga nararanasang outbreak ng bird flu sa mga ibon sa ilang lugar sa bansa ay nananatili pa rin itong kontrolado ng kagawaran.

Nagsagawa at nagpatupad na rin ng mga hakbang ang ahensya upang matugunan at mabigyang solusyon ang naturang suliranin.