Nilinaw ng Department of Health na wala pa rin umanong nadidiskubreng gamot para sa kumakalat ngayong sakit na Dengue.
Ito ang naging paglilinaw ng kagawaran sa isang forum matapos matanong hinggil sa naitatalang mga kaso ng nagkakasakit sa bansa.
Kung saan pinabulaan ni Assistant Secretary Albert Domingo ng Department of Health ang bisa ng mga ginagamit ng ilan na iba’t-ibang uri ng dahon bilang gamot sa naturang sakit.
Aniya, wala umano kasi itong talab sapagkat patuloy pa rin ang mga isinasagawang pag-aaral upang makahanap ng lunas at sinabing ‘hydration’ sa mga ospital at maagap na konsulta sa doktor ang siyang tunay na solusyon.
‘Wala pa pong gamot sa dengue, hindi po tumatalab ang tawa-tawa, pito-pito, dahon ng papaya. Marami pang versions yan eh… hindi ho tumatalab ang kahit na anong yun, wala pa hong gamot na nasaliksik. Ang tumatalab po ay ang early consultation at ang hydration sa ospital,’ ani Assistant Secretary Albert Domingo ng Department of Health.
Dahil dito inabisuhan ni Assistant Secretary Albert Domingo ang mga Pilipino na huwag magugulat kung may bumisita o mag-ikot man sa mga barangay na nagpa-fogging o misting sa kanilang lugar.
Samantala, binigyang diin naman ng naturang Assistant Secretary ang pagbibigay halaga sa kanilang mga paalala hinggil sa mga naiiwang nakatambak na tubig sa loob ng mga tahanan.
Giit niya, dito umano kasi nagsisimulang makapangitlog ang mga lamok na siya namang dahilan ng mga nagkakasakit o kung minsay sanhi pa ng pagkamatay dahil sa Dengue.
Kaya naman panawagan niya sa publiko, huwag kalimutang takpan o itaob ang lahat ng lugar at kagamitan na may naiipong tubig.
‘Ang sinasabi namin is, lahat ng lugar na may naiipon ay kailangang itaob, taktak, tuyo, takip para hindi mabuhay ang lamok,’ pahayag pa ni Assistant Secretary Albert Domingo ng Department of Health.