-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health na walang pasyenteng namatay dahil sa monkeypox sa Pilipinas.

Ito ay kasunod ng napaulat na nasawi dahil umano sa monkeypox o mpox sa Central Visayas.

Ayon kay DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo, mayroong 9 na mpox cases ang nadetect sa bansa kung saan 4 dito ay noong 2022 at 5 noong 2023.

Noong nakalipas na taon ay tig-isang kaso ang naitala noong Mayo at Hulyo habang 3 noong Disyembre.

Subalit, ayon kay ASec. Domingo, matagal ng gumaling ang mga pasyente na dinapuan ng naturang sakit.

Sa pinakahuli ding resulta noong Hunyo 8, 2024 mula sa DOH RITM, ang lahat ng na-i-test para sa mpox ay negatibo ang resulta.

Una rito, inilarawan ng WHO ang mpox bilang isang nakakahawang sakit na may mga sintomas gaya ng mga pantal, lagnat, pananakit ng kasu-kasuhan, pananakit ng likod, matamlay at namamagang
lymph nodes.

Naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng physical contact sa isang indibidwal na naimpeksiyon.

Mapipigilan namang mahawaan ng sakit sa pamamagitan ng pag-iwas ng physical contact sa may mpox at pagbabakuna.