MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na normal na makaramdam ng “side effect” ang mga indibidwal na tinuturukan o umiinom ng mga bagong bakuna at gamot.
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat na dalawang healthcare workers sa United Kingdom, na may record ng allergic reaction, ang nakaranas ng “side effect” matapos turukan ng COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech.
“Lahat ng technology like medicines at vaccines, (may) common side effect na allergies sa mga tao,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng DOH spokesperson, ito ang dahilan kung bakit bago magbigay ng bakuna, o mag-reseta ng gamot ang mga doktor ay tinatanong nila ang mga pasyente tungkol sa history ng allergies.
Itinuturing daw kasi na “foreign material” ang mga bakuna at gamot na tinuturok o ginagamit ng mga tao. Kaya dapat din asahan ang kaakibat na reaksyon ng katawan sa mga ito.
“Its going to be different across different individuals. Hindi yan pare-pareho, na halimbawa na-allergy ako, ma-allergy din ang ibang tao.”
Paliwaang ng opisyal, mahalagang maglabas ng “criteria” ang vaccine developers para malaman agad ng publiko kung sino lang ang pwedeng mabigyan ng kanilang ginawang bakuna.
“The critical thing would be, mayroon tayong tinatawag na inclusion and exclusion criteria sa mga bakuna, and that would be part of the indication and contra-indications for a specific technology.”
Ayon sa Medicines and Healthcare products Regulatory Agency (MHRA) ng UK, iniimbestigahan na nila ang kaso ng dalawang healthcare workers na nagka-side effect.
“As a precautionary measure, the MHRA has issued temporary guidance to the NHS while it conducts an investigation in order to fully understand each case and its causes. Pfizer and BioNTech are supporting the MHRA in the investigation,” nakasaad sa MHRA statement.
Sa resulta ng ginawang clinical trial ng Pfizer-BioNTech, hindi inirekomenda ng mga kompanya na maturukan ng kanilang bakuna ang mga taong may history ng allergic reaction sa vaccines.
Kina-klaro pa ngayon ng pamahalaan ang confidentiality data agreement (CDA) ng Pfizer. Hindi pa malinaw kung target ba nila mag-clinical trial o mag-supply ng bakuna sa bansa.
“We would want that there should be just a single CDA for all of the agencies. Pag kailangan ng DOH ng datos, kailangIan pa namin humingi ng panibagong CDA para maka-access ng mga detalye.”
“Humihingi kami ng meeting so that we can discussa single CDA across the different units of the government.”
RESPONSIBILITY
Ipinaalala ng DOH na responsibilidad ng vaccine developers na may kasunduan sa Pilipinas na ipaalam sa pamahalaan ang ano mang development tungkol sa kanilang bakuna.
Lumabas din kasi sa isang ulat na nag-“false positive” sa HIV ang mga nakatanggap ng COVID-19 vaccine ng biotechnology company na CSL at University of Queensland sa Australia.
“There were no serious adverse events or safety concerns reported in the 216 trial participants. However, following agreement with the Australian Government, CSL will not progress the vaccine candidate to Phase 2/3 clinical trials,” nakasaad sa statement ng Australian Stock Exchange.
Isa ang CSL-Queensland University sa mga may bilateral agreement sa Pilipinas pagdating sa COVID-19 vaccine.
Pero ayon kay Usec. Vergeire, hihintayin muna nila ang opisyal na report mula sa kompanya bago mag-desisyon sa agreement ng bansa sa bakuna.
“Kapag may lumalabas na articles internationally regarding vaccines, hindi agad umaaksyon ang gobyerno. Kailangan may responsibilidad ang manufacturers na ka-agreement na sila ang magbibigay ng specific information with all the details.”
“Sa ngayon wala pang binibigay sa atin na official report (but) we will await. If we find na talagang valid yung artikulo that is something we need to decide.”