MANILA – Kailangan pa raw dumaan sa pag-aaral ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na masali listahan ng mga unang matuturukan ng COVID-19 vaccine ang mga atleta.
Pahayag ito ng ahensya kasunod ng panawagan ni Sen. Bong Go na maging prayoridad din sa pagbabakuna ang mga atletang lalaban sa Tokyo Olympics at Southeast Asian Games ngayong taon.
“Noong nakaraang 2019 SEA Games, naging kampeon ang Team Pilipinas dahil sa suporta ng buong sambayanang Pilipino. Nagkaisa ang gobyerno, pribadong sektor, at ordinaryong Pilipino para ating mga atleta,” ayon sa senador, na chairman ng Senate Committee on Sports.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nasa kamay ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang desisyon sa pagre-rekomenda na masali ang national athletes sa priortity list.
“May proseso tayo… kung halimbawa hinain natin ito sa NITAG at binigyan natin ng discussion and they recommend that they (athletes) can be included, then we’ll include them.”
“This will be considered because this is a request at pag-uusapan, but definitely hindi natin babaguhin ang priority listing natin.”
Sa ilalim ng priority list ng gobyerno, una ang healthcare workers na dapat maturukan ng bakuna. Sumunod ang senior citizens, mahihirap at uniformed personnet, bago ang natitirang populasyon.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70-million ng populasyon ngayong taon.