MANILA (Update) – Itutuloy na ng Pilipinas ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines na gawa ng Oxford University at British pharmaceutical company na AstraZeneca.
Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) matapos na pansamantalang ipatigil ang pagbabakuna gamit ang naturang vaccine brand.
“Based on current evidence, Vaccine-Induced Thrombosis and Thrombocytopenia (VITT) is a very rare condition of blood clots associated with low platelet counts that can occur 4 to 28 days after receiving a viral vector vaccine such as AstraZeneca,” nakasaad sa statement.
“It was concluded that there are currently no known risk factors for VITT and that the benefits of receiving the vaccine against COVID-19 still outweighs the risk.”
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bunga ng pagpupulong ng ahensya, Food and Drug Administration, at Philippine Society of Hematology and Transfusion Medicine Inc. ang desisyon na ituloy ang pagbabakuna ng AstraZeneca vaccine.
Kung maaalala, sinuspinde ng DOH at Food and Drug Administration noong nakaraang buwan ang pagtuturok ng AstraZeneca vaccines sa mga edad 59-anyos pababa.
Hindi naman naapektuhan ang pagbabakuna ng nasabing vaccine brand sa mga senior citizen.
Kasunod ito ng mga naitalang insidente ng “blood clotting” at mababang platelet count sa ilang nabakunahan sa Europa at Estados Unidos.
READ: DOH's statement on the resumption of AstraZeneca COVID-19 vaccination.
— Christian Yosores (@chrisyosores) May 7, 2021
"It was concluded that there are currently no known risk factors for VITT and that the benefits of receiving the vaccine against COVID-19 still outweighs the risk." | @BomboRadyoNews https://t.co/XrvN6RBJgC pic.twitter.com/QObP4g9Mji
Ayon kay Vergeire, dumaan naman masusing pag-aaral ng mga Pilipinong dalubhasa ang datos ng AstraZeneca vaccine, kaya walang dapat ikabahala sa bisa nito.
“Lahat ng ating policies and recommendation ay nakabatay sa best available scientific evidence,” paliwanag ng Health spokesperson.
“Specific guidelines and measures will still be enforced so that the risks can be mitigated,” nakasaad sa statement.
Sa ngayon wala pa naman daw naitatalang kaso ng VITT mula sa mga nabakunahan ng AstraZeneca dito sa bansa.
Noong Marso nang tumanggap ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines ang Pilipinas mula sa COVAX Facility ng World Health Organization.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez, ngayong buwan posibleng dumating ang susunod na shipment ng British vaccines, na donasyon pa rin ng nabanggit na pasilidad.
Batay sa datos ng DOH, may 70.4% efficacy rate ang AstraZeneca vaccine laban sa mga symptomatic COVID-19 cases. Umaakyat pa ito ng 100% sa mga may severe infection.
Una nang sinabi ng European Medicines Agency na itinuturing lang na “rare adverse effect” ang mga kaso ng blood clotting at mababang platelet count.
Pero binigyang diin ang mahigpit na monitoring sa mga babakunahan ng British-developed vaccine.