Umakyat pa sa 194,252 ang kabuuang bilang ng mga dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas ngayong araw.
Sa pinakahuling case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH), umabot sa 4,686 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang iniulat batay sa mga test na isinagawa ng 95 mula sa 109 na mga laboratoryo.
Sa nasabing bilang, karamihan sa mga kaso ang naitala sa nakalipas na dalawang linggo.
Nangunguna pa rin sa may pinakamaraming naitalang bagong kaso ang Metro Manila, at sinundan ng Region 4A at Region 3.
Samantala, nadagdagan ng 729 ang bilang ng mga gumagaling sa COVID-19, kaya umakyat pa sa 132,042 ang total number ng mga recoveries.
May 13 namang nadagdag sa mga binawian ng buhay dahil sa virus, kaya sumampa na ang death toll sa 3,010.
Sa panibagong bilang ng mga nasawi, anim ang naitala ngayong buwan, anim noong Hulyo, at isa noong Hunyo.
May 35 duplicates din ang tinanggal sa total case count kung saan 17 recovered cases at isang isang death case ng inalis.
Maliban dito, may 37 kaso din ang naunang ini-report na naka-recover ngunit matapos ang final validation, natuklasan na ito ay limang death case at 32 active cases.