Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na iprinisenta na ng malaking pharmaceutical company na Pfizer ang kanilang proposal sa Pilipinas kaugnay sa bakuna sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, tinalakay ang proposal ng kompanya sa isang pulong kasama sina Health Sec. Francisco Duque III at Science and Technology Sec. Fortunato de la Peña noong Biyernes, Setyembre 4.
Hindi naman na nagbigay pa ng karagdagang detalye pa si Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, binabalangkas ng dalawang panig ang isang confidentiality disclosure agreement para sa transparency.
“Once this is finalized, we will be discussing the arrangement with them,” wika ni Vergeire.
Kaugnay rito, nakipag-usap din ang mga tauhan mula DOH sa Russian embassy sa Maynila tungkol sa nalalapit na pulong sa pagitan ng gobyerno at ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology, na developer ng candidate vaccine na Sputnik V.
Sinabi ni Vergeire, posibleng mangyari sa mga susunod na linggo ang pulong.