-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan ang labis-labis na pagkain ngayong holiday.

Pina-iiwas din ng ahensiya ang publiko laban sa mga pagkaing mataas ang sugar content, matataba, at mamantika.

Ang mga naturang pagkain, ayon sa DOH, ay labis na nakakapagpalala sa iba’t-ibang karamdaman, lalo na sa mga mayroon nang iniinom na maintenance drugs.

Ayon sa ahensiya, upang maging masaya ang Pasko at Bagong Taon, mas mainam na fresh at healthy meals ang ihain para sa pamilya at mga bisita, kaysa sa mga ma-asukal at mamantikang pagkain.

Pinaalalahanan din ng ahensiya ang publiko na suriing mabuti ang expiration date ng mga produkto at mga sangkap na gagamitin sa paghahanda ng pagkain.

Kung nasira o napanis na, sinabi ng DOH na kailangan nang itapon nang maayos ang mga ito.

Ipinaalala rin ng ahensiya sa mga minor, buntis, at mga tsuper na iwasang mag-inom ng alak o maglasing sa kasagsagan ng kaliwa’t-kanang handaan.