Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko hinggil sa mga sakit na maaaring makuha ngayong pormal nang idineklara ang tag-ulan sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Health Asisstant Secretary Albert Domingo, ilan sa mga ito ay ang dengue, leptospirosis, waterborne diseases at influenza-like illness.
Batay sa nakaraang datos, isa pa rin ang dengue sa mga sakit na nauuso dahil ito ay nakukuha sa mga pinupugaran ng lamok lalo at tuwing umuulan.
Habang nakapipinsala rin daw ang influenza-like illness at maaaring itong kumalat sa pamamagitan ng mga airborne particles o pakikisalamuha ng mga tao, lalo na sa mga madalas na pagtitipon-tipon.
Kaya naman hinihikayat ng Department of Health ang mga Pilipino na mag doble ingat pagdating sa kinakain at iniinom at siguraduhing hindi ito kontaminado.
Pinayuhan din ang mga Pilipino na ugaliing maghuhugas ng kamay, iwasan ang paglusong sa baha, magsuot ng facemask nang tama, gayundin ang paglilinis at pagsisiguro na walang anumang gamit na maaaring mapuno ng tubig at pamugaran ng lamok.
Samantala, patuloy naman daw ang pag antabay at paghahanda ng nasabing ahensya ngunit pinayuhan pa rin nila ang publiko na huwag maging kampante ang mga ito upang masiguro o matiyak ang kanilang mga kaligtasan.