CEBU CITY – Pinag-aaralan na ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa Central Visayas ang posibleng development ng “herd immunity” sa COVID-19 ng mga tindera ng Carbon public market.
Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, spokesperson ng DOH Region 7, nangangalap na ng mga ebidensya ang kanilang tanggapan para malaman kung talagang nakapag-develop ng immunity ang mga public market vendors.
Lumabas daw kasi sa antibody test ng higit 2,000 vendors na 47% ang may IgC, isang uri ng antibody sa katawan ng taong na-expose sa COVID-19 confirmed case at may kakayahan nang labanan ang virus.
Aminado ang opisyal na nakukuha lang ang “herd immunity” kapag may presensya na ng bakuna ang isang populasyon.
“So for now, let’s adhere to the health standards that can prevent the transmission of the virus and at the same time protect us from getting sick,” ani Loreche.
Una nang sinabi ni Health spokesperson Maria Rosario Vergeire na kailangang mabakunahan ang higit 60% ng mga Pilipino para maabot din ng bansa ang immunity sa COVID-19.
“We would need about 60 to 70 percent of the population immunized so that we can have herd immunity.”
Nilinaw ni Loreche na mababa naman ang positivity rate ng mga nagtitinda sa Carbon public market na may presensya ng IgC antibody. Ibig sabihin raw ay matagal na ang kanilang exposure o kaya ay gumaling na sa sakit.
Sa huling tala ng DOH, nasa 10,408 ang total COVID-19 cases ng lungsod. Mula rito, 9,517 na ang gumaling at 663 ang namatay.