Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang lahat sa mga sakit na may kaugnayan sa Holiday heart syndrome ngayong Pasko at Bagong taon.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas sa presyon. Maaari itong humantong sa arrhythmia o abnormal na heart rhythm na isa sa sanhi ng Stroke.
Ginawa ng DOH ang naturang paalala sa ginanap na Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds ng Department of Health bilang paghahanda ngayong Pasko.
Sa pag-iikot ng DOH, ipinakita ng Philippine Heart Center (PHC) na pumalo sa humigit kumulang animnapu (60) ang kaso ng Stroke mula Hulyo hanggang Nobyembre 2024 na tinutukan ng ospital. Habang may naitalang pitong (7) kaso ng Stroke bago pa man mag Pasko, mula December 1 hanggang 20, 2024. Maaari pang tumaas ang bilang ng mga kaso ng Stroke matapos ang Pasko at pagsalubong sa bagong taon kung hindi mapipigilan ang labis na pag-inom ng alak at pagkain mula sa sunud sunod na handaan. Nakita na ng ospital ang ganitong pagtaas noong 2023. Ayon sa PHC, noong Disyembre 2023 umabot sa tatlumput-walo (38) ang kaso ng Stroke sa ospital na tumaas sa apatnaput-dalawa (42) pagdating ng Enero 2024. Ito ang pinakamataas na bilang ng Stroke na naitala ng ospital sa buong taon. Habang ang isandaan at sampung (110) kaso ng Acute Coronary Heart Syndrome na naitala ng PHC ng Disyembre 2023 ay tumaas sa isandaan at labinlima (115) pagdating ng Enero 2024.
Naitala naman ng East Avenue Medical Center (EAMC) ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Stroke kung ikukumpara ang bilang sa buwan ng Disyembre ng taong 2020 hanggang 2023. Nasa isandaan at walumpu’t walo (188) ang Stroke patients noong Disyembre 2020. Mas mataas naman ang bilang noong Disyembre 2021 na umabot ng dalawandaan at dalawamput-anim (226), na muling tumaas sa Disyembre 2022 na umabot sa dalawandaan at apatnaput-pito (247). Pumalo naman sa tatlong daan at dalawampu’t-walo (328) ang kaso ng Stroke sa EAMC na naitala sa buwan ng Disyembre 2023.
Sa unang pagkakataon, isinama rin ng DOH ang pribadong ospital sa Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds, at dito ipinakita sa Kalihim ng Kagawaran na tumaas din ang mga kaso ng Stroke sa St. Lukes Medical Center Quezon City. Taong 2023, apatnapu at labinlima (415) ang kaso ng Stroke ang kanilang naitala, na mas mataas kumpara sa bilang noong 2022 na nasa dalawandaan at siyamnaput-lima (295). Ngayong taon, nakapagtala na ng Stroke Discharges ang ospital mula Enero hanggang Nobyembre na umabot na sa tatlong daan ang tatlumput siyam (339).
Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang bawat pamilyang Pilipino na panatilihing malusog ang kanilang pangangatawan sa pamamagitan ng tamang pagkain, regular na ehersisyo, at disiplina sa panahon ng kapaskuhan at sa pagsalubong sa bagong taon. Nagpaalala naman si Health Sec. Ted Herbosa na iwasan ang sobra-sobrang pagkain ng mga maaalat, matataba at matatamis na pagkain ngayong holiday season at damihan ang pagkain ng gulay at prutas.
Kasama rin na isinusulong ng Kagawaran ang kampanyang BiyaHealthy at Iwas Paputok upang makaiwas sa road at firecracker related injuries na babantayan din sa mga ospital. Payo ni Sec. Herbosa sa publiko na huwag uminom ng alak kung magmamaneho at huwag nang magpaputok para sa ligtas na pagtatapos ng 2024 at sama-samang pagsalubong ng 2025 nang malusog.