-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga sakit na maaaring makuha ngayong nagsisimula ng maramdaman ang mainit na temperatura sa ating bansa.

Ito ay kasunod ng forecast mula sa state weather bureau na ang heat index sa Metro Manila ngayong araw, Marso a-3 hanggang bukas, Marso a-4 ay aabot sa 46 degrees Celsius. Gayundin inaasahan ang “danger” heat index sa lalawigan ng Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, at Olongapo City.

Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, ang temperaturang mula 33-41 degrees Celsius ay inuri ng weather bureau bilang “extreme caution” habang 42-51 degrees Celsius bilang “danger.”

Ang ganitong mga temperatura aniya ay maaaring humantong sa heat cramps o pamumulikat at heat exhaustion o pagkahapo, na may mga sintomas tulad ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkahilo.

Nagbabala din ang opisyal na ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke na isang seryosong kondisyon na may kaakibat na pagkawala ng malay, pagkalito, o kaya ay seizure/kombulsyon, na maaaring nakamamatay kung hindi ito ginagamot.

Kung sakali mang maramdaman ang nabanggit na mga sintomas, narito ang payo ng DOH para sa paunang lunas.

Samantala, sa isang statement, inihayag ni DOH Secretary Ted Herbosa na maituturing ng mapanganib kapag umabot na sa 42 degree Celsius ang healt index kayat nagpaalala ito sa publiko na dalasan ang pag-inom ng malinis na tubig, at umiwas na mabilad sa araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.