Pinayuhan ng pamunuan ng Department of Health ang publiko na mag-ingat sa mga sakit na naglilipana tuwing panahon ng tag-ulan.
Ginawa ng ahensya ang panawagan kasabay ng naitalang pagtaas sa kaso ng sakit na nakukuha tuwing tag-ulan sa bansa.
Ayon sa ahensya, ugaliing maging malinis para makaiwas sa sakit.
Tinukoy ng DOH ang mga sakit tulad ng W.I.L.D diseases o water and foodborne diseases, Influenza-like illnesses, Leptospirosis, at maging Dengue.
Batay sa datos ng ahensya, pumalo na sa 9,995 ang naitalang mga kaso ng influenza-like illnesses sa bansa para sa buwang ito.
Kasabay nito ang pagtaas rin ng kaso ng Leptospirosis na umabot sa 422 cases katumbas ng 8% na pagtaas.
Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang kaso noong nakalipas na taon na umaabot lamang sa 392 na kaso.
Samantala, pumalo naman sa 28,234 ang naitalang kaso ng dengue na naitala mula noong unang araw ng Pebrero katumbas ng 40% na pagtaas .
Nananawagan rin ang DOH sa publiko na agad magpakonsulta sa doktor sa sandaling makaramdam ng anumang sintomas ng mga nabanggit na sakit.