Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko sa mga aksidente sa kalsada, heat-related at foodborne illnesses ngayong Holy Week at mainit na panahon.
Para maiwasan ang road traffic related injuries, nagpaalala ang DOH sa publiko na siguruhing maayos ang kondisyon ng sasakyan at sarili bago bumiyahe. Suriin ang BLOW-BAG-SET: Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air, Gas, Self, Engine, Tires. Huwag uminom ng alak, matulog nang sapat na oras kung magmamaneho, habaan ang pasensya at umiwas sa pakikipagtalo sa ibang motorista o road rage.
Base kasi sa datos ng ahensiya noong Semana Santa ng nakalipas na taon mula Marso 24 hanggang 31, nakapagtala ang DOH ng 631 na kaso ng Road Traffic-related Injuries. Karamihan sa mga aksidenteng ito ay kinasangkutan ng mga motoristang walang suot na safety gears tulad ng helmet at seatbelt. Ang mga naapektuhan ay nagtamo ng mga galos, bali sa katawan, at head injuries.
Para naman maiwasan ang mga sakit na posibleng makuha dahil sa mainit na panahon, pinapayuhan ang lahat na magbaon at uminom ng maraming tubig. Magsuot o gumamit ng mga pangontra sa init tulad ng sumbrero, payong, at mga presko at light-colored na damit. Sakaling makaramdam ng hilo o panghihina sa labis na init, pumunta sa lilim o sa malamig na lugar, uminom ng tubig, at maglagay ng basang tuwalya sa noo, leeg o batok, kili-kili, at singit.
Ginawa ng DOH ang paalala kasunod ng forecast ng state weather bureau na maaaring pumalo sa extreme caution ang mararamdamang init o heat index na 33-41 degrees celsius sa susunod na apat na araw.
Bunsod din ng mainit ang panahon, mabilis mapanis ang mga pagkaing hinahain. Ayon sa DOH, noong Semana Santa noong nakaraang taon, nakapagtala ng mga kaso ng Foodborne Illness na umabot sa 122 na indibidwal.
Kayat paalala ng DOH, sakaling makaramdam ng sintomas tulad ng labis na pagdudumi, pananakit ng tiyan o pagsusuka ay agad na magtungo sa pinakamalapit na emergency room.
Ngayong nakataas muli ang Code White Alert sa bansa mula Abril 13, 2025 hanggang Abril 20, 2025, nakaantabay ang DOH katuwang ang Health Emergency Management Bureau Operation Centers at DOH Hospitals upang rumesponde sa health emergencies at concerns.
Ang Code White ay idinedeklara tuwing may mga national events o holidays tulad na lamang ng Semana Santa na maaaring magdulot ng malawakang insidente o emergencies lalo pa’t marami ang bumibiyahe at nagtitipon sa mga pasyalan at simbahan.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, kaisa ang DOH sa paggunita ng Semana Santa. Nakaantabay din sila kasama ang mga medical personnel ng DOH para tumugon sa anumang health emergency. Hinimok din ng kalihim ang publiko na ugaliin ang ibayong pag-iingat sa panahong ito.
Para sa anumang health emergencies o concerns, maaaring tumawag sa emergency hotline 911 at sa mga numerong: 0917-8059756 o 0917-8619528 ng DOH Health Emergency Management Bureau (HEMB) Operations Center (OpCen).