MANILA – Nagsimula na ang Department of Health (DOH) sa distribusyon ng 193,050 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na donasyon ng COVAX Facility.
Batay sa datos ng DOH, pinakamalaking alokasyon o 132,210 doses ang mapupunta sa National Capital Region.
“Lahat ng siyudad at munisipyo ng NCR bibigyan,” ani Health Usec. Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center.
May tig-29,250 doses naman ang Cebu at Davao City. Habang 1,170 ang mapupunta sa Quirino province.
Mayroon ding 1,170 na natitirang buffer o reserbang supply.
Una nang sinabi ng ahensya na kaya limitado pa lang ang mga lugar na makakatanggap ng Pfizer-BioNTech vaccine doses, ay dahil ito pa lang ang may kapasidad sa “ultra low” na cold storage ng naturang bakuna.
LOOK: Updated allocation of the 193,000 Pfizer vaccine doses. More than half are allocated in NCR. Cebu and Davao receives more than 29,000 doses. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/Zvz5PEkPc2
— Christian Yosores (@chrisyosores) May 12, 2021
Nitong Lunes nang dumating ang shipment na donasyon ng COVAX Facility, na nasa ilalim ng World Health Organization.
Noong Sabado naman nang ihatid din ang higit 2-million doses ng AstraZeneca vaccines, na donasyon din ng nasabing pasilidad.
Dahil galing sa WHO, sinabi ni Cabotaje na iro-rolyo lang ang mga bakuna sa priority groups na A1 hanggang A3 o healthcare workers, senior citizens, at may comorbidity.
“Kasi hindi siya alloted for A4 (economic frontliners). Ang gagawin na lang titingnan yung mga dadating pa by the end of the month, baka pwede na yung ibang vaccine tulad ng Sinovac at Gamaleya na pang-A4, tapos dadating yung sa private sector baka pwedeng simultaneous.”
Ngayong araw nagsimula na ang Makati City sa pagbabakuna gamit ang Pfizer-BioNTech vaccines. Ginawa ang vaccination sa Makati Medical Center, na mayroong ultra low cold storage facility para sa mga bakuna.