-- Advertisements --

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga deboto ngayong Holy Week na hindi kailangang saktan ang sarili sa pagpepenitensiya gaya ng pagpapapako sa krus at paghampas sa likuran o self-flagellation.

Sa isang panayam, sinabi ni Health spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na hindi kailangang sugatan o saktan ang katawan alinsunod na rin sa payo ng mga kaparian.

Kung hindi naman aniya maiiwasan, pinaalalahanan ng opisyal ang mga deboto na gumamit lamang ng mga bagay na na-sanitize o paggamit ng antiseptic gaya ng iodine para maiwasang maimpeksiyon at hugasang maigi ang mga sugat gamit ang sabon at malinis na tubig.

Saad pa ng opisyal na ang mga sugat sa katawan ng penitensiya ay tinatawag na “dirty wound”. Maaari kasi aniyang panggalingan ng mikrobiyo ang alikabok sa lupa, at ang ginagamit sa pagpenitensiya.

Payo pa ng DOH official na huwag ng tumalon sa ilog o sa dagat at linisin agad ang sugat.

Ginawa ng ahensiya ang paalala kasabay ng taunang tradisyon ng maraming mananampalatayang Katoliko na pagpepenitensiya tuwing Mahal na Araw para ipahayag ang pagsisisi sa mga kasalanan at alalahanin ang dakilang sakripisyo ng Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus at paghampas sa likuran ng katawan na isinasagawa tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo.