Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga pamilya lalu na ang mga kabataan na ang paputok ay hindi laruan.
Kasunod ito ng mga bagong pinsalang kinasasangkutan ng dalawang teenager na naputulan ng mga daliri.
Sa pinakahuling case bulletin, nakapagtala ang DOH ng 23 karagdagang fireworks-related injuries (FWRI) mula 6 hanggang 55 taong gulang, karamihan ay mga lalaki.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga bagong kaso ang dalawang bagong amputation, parehong kinasasangkutan ng ilegal na Pla-pla na sinindihan ng mga lalaking teenager na naputulan ng daliri.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na ang mga magulang at nakatatandang kapatid ay dapat magpakita ng halimbawa sa mga kabataang lalaki sa kanilang pamilya upang matiyak na kumpleto ang mga kamay at daliri ng bawat miyembro ng pamilya.
Sa kasalukuyan, ang mga fireworks related incidents ay umabot na sa 75 at humigit-kumulang 96 na porsyento ang nangyari sa bahay at sa mga lansangan.