ILOILO CITY – Pinag-aaralan ng Department of Health sa rehiyon ang pagsasalang-alang bilang persons under monitoring (PUM) sa lahat ng mga mamamayan sa Western Visayas dahil sa paglobo ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Mary Jane Juanico, pinuno ng Infectious Disease Section ng Department of Health Region-6, sinabi nito na may local transmission ng virus sa Guimbal, Iloilo, kung saan isa sa tatlong mga nagpositibo mula sa nasabing bayan ay binawian ng buhay.
Ayon kay Juanico, iba’t ibang tao ang nakakasalamuha ng bawat isa, kung kaya’t maituturing na persons under monitoring ang bawat mamamayan.
Ani Juanico, pinag-aaralan nila na isailalim sa test ang mga persons under monitoring kahit na asymptomatic subalit, mas pinagtutuunan ng pansin ang mga persons under investigation na may mga sintomas.
Sa ngayon, hinihintay na lang ang personal protective equipment para sa mga frontline health workers kagaya ng mga doctor at nurses.
Napag-alaman na sa ngayon umaabot na sa 22 ang kaso ng nagpositibo sa Western Visayas.