-- Advertisements --

Makikipagpulong ang Department of Health (DOH) sa mga local government units (LGUs) para pag-usapan ang tamang protocol sa pag-aanunsyo sa publiko ng pagkakaroon ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na mag-uutos siya ng mga opisyal niya na makikipag-usap sa mga mayor kaugnay nito.

Ayon kay Sec. Duque, mahalagang makapagpatupad ng tamang paraan ng pag-anunsyo sa mga positibong kaso ng COVID-19 saan pa mang lugar para hindi watak-watak ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko at hindi magdulot ng kalituhan.

Ang pahayag na ito ni Duque ay kasunod na rin ng kanya-kanyang deklarasyon ng ilang mayor sa Metro Manila na may positibo silang kaso ng COVID-19.