-- Advertisements --

LA UNION – Patuloy ang ginagawang mga hakbang at kampanya ng Department of Health (DOH)-Region One para pigilan ang pagdami ng mga dinadapuan ng sakit na dengue.

Sinabi sa Bombo Radyo La Union ni DOH Region 1 Director Valeriano Lopez, magsasagawa sila ng ebalwasyon sa mga LGU hospitals sa susunod na linggo, matapos itaas ng ahensiya sa National Dengue Epidemic mula sa National Dengue Alert, bunsod ng mabilis na pagdami ng mga kinakapitan ng sakit na dengue.

Layunin aniya ng nasabing ebalwasyon para alamin ang mga pangangailangan ng mga LGU hospitals para sa mas mabilis na pagtugon sa mga dengue patients.

Nanawagan din si Lopez sa mga tagapakinig ng Bombo Radyo na makipagtulungan sa pagpuksa ng mga dengue-carrying mosquitoes sa pamamagitan ng paglilinis sa kapaligiran para masawata ang paglobo ng mga kinakapitan ng nakamamatay na sakit na dengue.

Mula Enero hanggang Hulyo 20 ngayong taon, nakapagtala ang ahensiya ng 4,396 cases sa Region 1 na sinasabing lampas na sa alert threshold level.