CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Department of Health (DOH) Region 2 kaugnay sa food poisoning ngayong holiday season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rio Magpantay, regional director ng DOH Region 2 na dahil tradisyon na ng mga Pilipino ang maghanda tuwing panahon ng kapaskuhan at bagong taon ay kailangang maging maingat sa pagluluto.
Dapat ay agad na ilagay sa refrigerator ang pagkain kung hindi na kailangan dahil maaring maging dahilan ito ng food poisoning.
Aniya, may mga naitala na silang biktima ng food poisoning pero hindi sa panahon ng holiday season gayunman ay wala pa naman silang naitatala sa mga nagdaang holiday season.
Pinaalalahanan din ni Dr. Magpantay ang mga mamamayan lalo na ang mga may maintenance na maging hinay-hinay sa pagkain dahil baka ito pa ang magdulot ng hindi maganda sa kanilang kalusugan.