-- Advertisements --
vax vaccination COVID ilocos sur

Mariing inalmahan ng Department of Health (DoH) ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) resilience ranking na nagsasabing kulelat o panghuli pa rin ang Pilipinas sa 53 tinatawag na biggest economies na inilabas ng Bloomberg.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ginagawa naman daw nila ang lahat para mapigilan ang paglaganap pa ng COVID-19 sa bansa.

Bagamat welcome umano sa DoH ang analysis ng Bloomberg, pero dapat daw ay isinaalang-alang din nila ang konteksto ang ang Pilipinas ay humaharap sa health care system issues.

Aniya, hindi raw dapat ikumpara ang Pilipinas sa Estado Unidos dahil bago pa man magsimula ang pandemic ay maganda at matatag na talaga ang healthcare system ng naturang bansa.

Inihalimbawa pa ni Vergiere ang kasabihang, “we can’t compare an apple with an orange.”

Maliban dito, hindi rin daw kasali ang lahat ng bansa sa naturang analysis.

Noong nagsimula rin ang pandemic, mayroon lamang mangilan-ilang laboratoryo at facilities ang naitayo at nakadepende lamang daw noon ang bansa sa mga bakunang galing sa ibang bansa.

Kung maalala, sa ikalawang buwan kulelat pa rin ang bansa sa Bloomberg COVID-19 Resilience Ranking.

Ang ranking ay base sa 12 data points na may kaugnayan sa pag-contain ng virus, ang ekonomiya at ang pagbubukas nito.

Pero sinabi naman ng Bloomberg na ang pabulusok nang COVID-19 cases ay isa raw positive development para sa Pilipinas.

Kasama naman sa limang bansang nanguna sa resilience ranking ang Ireland, Spain, UAE, Denmark at Finland.