-- Advertisements --
V29
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire/Screengrab, DOH

MANILA – Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na tigilan na ang pagbatikos sa healthcare worker na nagkamali sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine.

“Ang hinihiling lang namin ay pang-unawa sa ating healthcare workers na alam natin na talagang matagal na silang nagkakaroon ng serbisyo and they are doing work from Monday to Sunday,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.

“Pero ang sinasabi rin namin, this does not justify whatever happen kasi hindi tama yung nangyari.”

Nitong Lunes nang aminin ni Mayor Abigail Binay na sa Makati City nangyari ang insidente.

Nakuhanan kasi ng video ang pagkakamali ng healthcare worker sa pagbabakuna, kung saan hindi nito naitulak papasok sa braso ng vaccinee ang laman ng hiringilya.

“We have advised our vaccination sites and healthcare workers na kailangan lagi tayong aware, cautious, at diligent sa protocols natin.”

Pinayuhan ni Vergeire ang mga vaccinators na laging suriin ang lagay ng kanilang katawan, lalo na kung nakakaramdam ng pagod.

“Kailangan alam natin yung bakunang ibinigay sa indibidwal; mahalagang makita yung lahat ng proseso ay nagawa; at i-check yung hiringilya pagkatapos.”

SILIPIN ANG HIRINGILYA

Pinayuhan din ng Health department ang publiko na silipin ang hiringilya bago at matapos turukan ng bakuna.

Sa ganitong paraan daw masisiguro na talagang naturukan sila ng COVID-19 vaccine.

“Maaari na hingin doon sa nagbabakuna na makita yung hiringilya bago ipasok sa inyo at pagkatapos bakunahan.”

Sa ilalim ng vaccination protocol, dadaan muna sa screening, counseling, at pag-pirma ng informed consent ang indibidwal bago bakunahan.

Matapos makatanggap ng bakuna, dadaan sa 15 hanggang 30-minutong post-vaccination monitoring ang indibidwal para malaman kung makakaramdam ito ng seryosong side effect.

“Depending on the status of the recepient.”

Una ng humingi ng paumanhin ang lokal na pamahalaan ng Makati, at nangakong paiigtingin ang pagbabantay sa vaccination sites.

Payo naman ng DOH sa LGU’s, dapat mayroong “overseers” o nagmo-monitor sa mga bakunahan.

Gayundin ang pagpapatupad ng rotational shift sa mga vaccinators.

“Let’s limit the time of our healthcare workers to just specific of 8-hours. Huwag natin palagpasin, magkaroon tayo ng rotation para makapag-pahinga at lesser mistakes ang healthcare worker.”