Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga health workers na maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan kung hindi sila pinapasahod o hindi binibigay ang kanilang mga benepisyo.
Tugon ito ng DOH matapos maghayag ng kanilang pagkadismaya ang mga medical workers dahil sa delay sa pagkuha ng kanilang hazard pay, habang may ilan ang nagsabi na hindi pa raw sila binabayaran matapos ang ilang buwan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na sineseryoso nila ang nasabing isyu.
“We are taking the issue of delayed benefits very seriously. When matters like this come to our attention, we conduct thorough investigations and concerned offices are made to answer to the Secretary and develop solutions,” saad ng kagawaran sa isang pahayag.
Dapat aniyang sumulat ang mga health workers na may reklamo sa Complaints Handling Unit ng DOH at ipadala ito sa dohpau.chu@gmail.com.
Kasama rin umano dapat sa complaint ang pangalan ng health facility, insidente, at ebisensya.
Batay sa pahayag, “sub-allotted” na ng DOH ang P51.9-milyon sa ilalim ng Bayanihan 1 para sa active hazard duty pay at special risk allowances ng 17 DOH-retained hospitals, o mga ospital na nasa ilalim ng ahensya na umano’y nag-request ng karagdagang pondo.
Habang ang active hazard duty pay at special risk allowance para sa Bayanihan 2 ay inilaan sa pamamagitan ng Administrative Orders 35 at 36 na inisyu ng Office of the President noong Nobyembre 16.
Naglabas din aniya ng Joint Circulars 1 at 2 ang DOH at Department of Budget and Management noong Nobyembre 25 kung saan inilaan ang P9.2-bilyon sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa mga DOH-retained hospitals, Centers for Health Developments, at sa Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sakop umano ng budget ang panahon mula Setyembre hanggang Disyembre, na inilabas na raw ngayong linggo.
“We cannot take their welfare out of the equation in realizing the goals of a Universal Health Care system, especially in the midst of a national state of public health emergency where they are most needed,” saad ng DOH.
“We are taking this matter very seriously and we welcome any feedback to introduce changes on how we deliver our services.”
Nitong nakalipas na linggo nang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na iniimbestigahan na ng ahensya ang sitwasyon ng mga nurse sa Sorsogon matapos ireklamo ni Gov. Francis “Chiz” Escudero na hindi pa raw natatanggap ng mga ito ang kanilang sahod.