Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga local government units na magpatupad ng mga anti-discrimination ordinances upang mapangalagaan ang mga pasyente at frontliners sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang virtual briefing, inihalimbawa ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang ipinatupad na Ordinance No. 8624 o ang Anti-COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020 sa lungsod ng Maynila.
“Ipinagbabawal ng ordinansang ito ang ano mang uri ng dikriminasyon sa mga biktima ng COVID-19. Maging mag patients under investigation, persons under monitoring, health workers, at frontliners sa lungsod ng Maynila,” wika ni Vergeire.
“Hinihikayat po ng ating kagawaran ang iba pang local governments na magpatupad ng kagaya nitong ordinansa. Nawa’y bigyan natin ng angkop na pagpapahaalaga at proteksyon ang ating health care workers,” anang opisyal.
Muli ring kinondena ng opisyal ang diskriminasyon na nararanasan ng mga frontliners matapos makatanggap ng ulat na may panibagong health worker ang nakaranas ng harassment.
“Amin po’ng mariing kinokondema ang mga ganitong pangyayari. Ang mga health care workers at iba pang frontliners ang tumutulong sa atin upang maitawid natin ang ating bayan sa krisis na ito,” ani Vergeire.
“Imbis na sila ay ating itaboy at saktan dahil sa takot na mahawa tayo sa COVID-19, sila po ay ating dapat pasalamatan at pag-bigyang pugay. Ang kanilang dedikasyon at serbisyo sa bayan ay walang katumbas,” dagdag nito.
Sa ilalim ng ordinansa sa Maynila, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P5,000, makukulong ng anim na buwan, o pareho.