MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na patuloy pang bumaba ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya matapos i-ulat ng independent group na OCTA Research na nasa 0.92 na lang ang reproduction number (R-Naught) ng coronavirus sa Pilipinas. Habang 0.80 ang antas nito sa National Capital Region.
Ang R-Naught ay bilang ng mga taong nahahawaan ng isang kumpirmadong kaso ng COVID-19.
“Itong mga data ng OCTA, they get their details from DOH data system. This computation nila is the same sa DOH,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na malayo pa rin sa numero ng COVID-19 cases ng bansa bago nagkaroon ng “surge.”
Sa ngayon daw kasi, nasa 666 na lang ang tinatayang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Higit na mababa mula sa average na higit 5,000 new cases ng NCR noong Abril.
“This is very far doon sa ating case trends noong bago mag-surge na nandoon lang sa 300 plus cases per day. That was January and February this year.”
Binigyang diin ni Vergeire na mahalaga pa rin ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para maagapan ang pagsirit mula ng COVID-19 cases.
Partikular na ang kontrol sa mga border ng bansa, pagsunod sa health protocols, at tuloy-tuloy na pagbabakuna.
“Kailangan natin maintindihan na napaka-phorous ng ating borders, yung interzonal. And cases are rising in other parts of the country.”
“Dito sa NCR, we saw the efforts of our local government units, concerted efforts through the MMDA para ma-attain natin itong estado sa ngayon.”
Mananatili sa general community quarantine ang Metro Manila at ilang lugar sa Calabarzon, Cordillera, Cagayan Valley, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccksargen, at Bangsamoro, simula July 1 hanggang 15.