Nagpaalala si Department of Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi pa rin dapat magpakumpyansa ang lahat sa kabila nang pagbaba ng fatality rate sa bansa dahil sa coronavirus disease.
Ito’y kasunod nang inilabas na bagong datos ng ahensya kung saan makikita ang tila pagbaba ng mortality rate ng sakit sa Pilipinas.
As of June 13, nasa 4.24% na lamang ang naitatalang patay sa COVID-19 mula sa 5.52% noong May 31.
Patunay umano ito na ang bilang ng mga pumanaw ngayong buwan ay hindi kasing taas sa mga naitala noong Marso at Abril.
Batid ni umano Vergeire na nagdulot ng pagkabahala ang pagtaas ng bilang ng mga na-ireport na death toll noong Hunyo 12 at 13 ngunit paliwanag nito na ang pagdami ng reported deaths ngayong buwan ay dahil sa delay submission ng validated mortality cases mula sa mga local government units.
Ayon pa sa kalihim na out of 22 reported deaths noong June 13 ay apat lamang ang namatay sa buwan ng Hunyo at ito ay noong June 3, 4, 6 at 9. Habang ang natitirang 18 death ay nanggaling sa mga nagdaang buwan pero ngayon lamang isinumbit sa DOH Epidemiology Bureau.
Dagdag pa ni Vergeire na mas mababa ito sa kasalukuyang global case fatality rate ng buong mundo na nasa 5.6% kahapon, Hunyo 13.
“Itong pagtaas ng bilang ng mga ni-report natin ay maaaring naging cause for concern ng ating mga kababayan, kaya naman ay nais naming humingi ng paumanhin kung kayo ay nabahala at kaya naman binibigyang linaw namin ngayon ang mga numerong ito,” wika ng kalihim.
Sinuportahan naman ang detalyeng ito ni Dr. John Wong ng Epimetrics Inc., at myembro ng IATF’s data analytics expert group.
Aniya dahil sa mas pinabuting reporting efficiency ng COVIDKaya app ay nag-aadjust na ito para sa mga late reports ng pagkamatay.
“Deaths have increased over the past two days although the median is still 10 per day. However, the recent increase has been due to late reports coming in to the DOH,” saad ni Wong
Sa ngayon ay umabot na ng 25,930 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos makapagtala ng panibagong 539 cases
Sa nasabing bilang, 366 ang “fresh” cases mula sa test results na inilabas sa nakalipas na tatlong araw habang 173 katao ang “late” cases.
Nadagdagan naman ng 248 ang mga pasyenteng naka-recover dahilan upang pumalo sa 5,954 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal habang 14 lamang ang nadagdag sa mga nasawi.