Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag magpanic-buying ng mga surgical face masks at N95 masks sa kabila nang pagkakatala ng unang kaso ng novel coronavirus sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, nanawagan si Health spokesperson Eric Domingo na hindi naman kailangan madalas na magsuot ng surgical face mask.
Ginawa ito ni Domingo matapos mapabalitang nagkakaubusan na ng supply ng surgical face masks dahil sa pangambang mahawa sa panibagong outbreak na kumitil sa buhay ng mahigit 200 katao sa iba’t ibang panig ng mundo.
“But still we are asking the public to be really judicious in the use of these materials. For example, the N95 masks, we want to reserve these to healthworkers who are actually handling cases na either PUIs natin or confirmed positive cases kasi sila talaga ang nangangailangan nito. We ask everybody na huwag na sanang makiaagaw ng supplies dahil ang nangangailangan talaga ay ang mga nangangalaga sa mga pasiyenteng may sakit,” ani Domingo.
Mas mainam pa rin aniya na ugaliin ang paghuhugas ng kamay at pananatili ng proper hygiene upang makaiwas hindi lamang sa nCoV kundi maging sa iba pang mga sakit.